Goiter awareness week, ginugunita ng DOH
“Goiter Sugpuin….Isip Patalinuhin…Iodized Salt Gamitin” …ito ang tema ng pagdiriwang ng Goiter Awareness Week sa buwang ito.
Ang paggunita ay batay sa Presidential Proclamation no. 1188, na idinedeklarang Goiter Awareness Week tuwing sasapit ang ika-apat na linggo ng bawat buwan ng Enero.
Ayon sa DOH, ang goiter at iba pang manifestations ng Iodine Deficiency Disorder o IDD ay dapat bigyan ng pansin hindi lamang ng iisang ahensya ng pamahalaan, upang maipaunawa sa publiko ang epekto ng goiter at IDD sa kalusugan ng pasyenteng dinapuan nito.
Samantala, ayon sa mga eksperto, ang goiter o bosyo ay ang paglaki ng thyroid gland, isang bahagi ng katawan na natatagpuan sa leeg.
Kabilang sa mga pangunahing sintomas nito ay ang paglaki o paglobo ng leeg at ang pagkakaroon ng bukol sa ilalim ng lalamunan na maaaring nasa kanan, kaliwa o kaya naman ay parehas.
Sabi ng mga nutritionist, kakulangan sa iodine, isang kemikal na kailangan ng thyroid upang makabuo ng mga hormone na mahalaga sa pagpapanatili ng kaayusan sa pagtakbo ng katawan ang pangunahing sanhi ng goiter.
Sa ngayon, unti unti nang nababawasan ang bilang ng mga taong dinadapuan nito dahil sa paglaganap ng paglalagay ng iodine bilang sangkap ng mga pagkain tulad na lamang ng iodized salt.
Ulat ni Belle Surara
=== end ===