Golden State Warriors star Klay Thompson, hindi makapaglalaro sa 2020-2021 NBA season
SAN FRANCISCO, United States (AFP) — Inaasahan nang hindi makapaglalaro sa kabuuan ng 2020-2021 NBA season, ang Golden State Warriors star na si Klay Thompson matapos mapunit ang kaniyang Achilles tendon.
Si Thompson, na hindi na rin nakapaglaro sa nakaraang season dahil sa isang knee injury na nangyari sa 2019 NBA Finals, ay nagtamo ng injury sa kanan niyang binti matapos mag-workout.
Nakumpirma sa isinagawang MRI scan na napunit nga ang kaniyang Achilles tendon sa kanan.
Matapos namang marinig ang balita tungkol sa injury ni Thompson, ay maraming NBA players ang nagpaabot ng kanilang pag-aalala sa 30-anyos na five-time All-Star.
Si Thompson ay mahalagang bahagi sa koponan ng Warriors, na nagdomina sa liga kung saan nakakuha ito ng NBA titles noong 2015, 2017 at 2018.
Ang pinakahuling injury ni Thompson ay isang malaking dagok sa Warriors laluna at naghahanda na silang bumawi matapos mabigong makapasok sa playoffs sa 2019-2020 campaign.
© Agence France-Presse