Grab Philippines sumalang sa pagdinig ng LTFRB ukol sa umano’y sobrang singil nito sa mga pasahero
Humarap sa hearing ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga kinatawan ng ride-hailing firm na Grab Philippines kaugnay sa sinasabing overcharging nito sa mga pasahero.
Ipinatawag ng LTFRB ang pagdinig para maipaliwanag ng Grab ang alegasyon ng sobrang singil o surge fee nito.
Kasama rin sa mga dumalo sa pagdinig si Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection.
Batay sa reklamo ng mga pasahero, mula sa P45 na singil ay umakyat sa P85 ang minimum base fare o ang otomatikong singil sa kanila kahit na short distance ang biyahe at hindi rush hour.
Sa pagdinig ay nagkainitan ang panig ng Grab at commuters’ group matapos na mabigo ang ride-hailing company na maiprisinta ang mga hinihinging dokumento at paliwanag ukol sa surge charge.
Dismayado ang panig ng commuters’ group dahil sa kawalan ng kahandaan ng Grab.
Ayon kay Inton, sinasayang ng Grab ang kanilang oras at tila pinapahaba ang pagdinig.
Iginiit naman ng kumpanya na nasagot na nila sa nauna nilang inihaing supplemental motion noong Disyembre ang ukol sa surge fare.
Pero sinabi ng LTFRB na kulang ang paliwanag ng Grab.
Ang nais ng LTFRB ay magkaroon ng “walkthrough” o Powerpoint presentation ang kumpanya kung papaano nito ipinatupad ang surge fees alinsunod sa fare matrix ng ahensya.
Dahil dito, nagtakda ng panibagong pagdinig ang LTFRB sa isyu sa Huwebes, Enero 12 sa ganap na 10:00 ng umaga.
Ipina-subpoena rin ng LTFRB sa Grab ang mga dokumento ukol sa lahat ng short trips na siningil ng P85 minimum base fare.
Inatasan din ng LTFRB ang Grab na isumite ang mga patunay na nagka-Covid ang mga kinatawan nito kaya hindi nakasipot sa hearing noong December 13.
Moira Encina