Grabeng init sa hilagang Vietnam, nagdulot ng pagkawala ng suplay ng kuryente
Dumagsa ang mga residente ng Hanoi sa air-conditioned shopping malls, upang takasan ang init sa kanilang mga tahanan dahil sa pagkaputol ng suplay ng kuryente, dahil nahirapang makaagapay ang power grid sa lubhang mataas na demand na dulot ng labis na init ng panahon.
Ang Vietnam ay isa sa maraming bansa sa buong South at Southeast Asia na nakaranas ng ‘record-high temperatures’ sa nakalipas na mga linggo.
Una nang nagbabala ang mga scientist, na pinalalala ng global warming ang dalas at tindi ng extreme weather events sa buong mundo, kabilang na ang heat waves.
Ayon sa power supplier na Vietnam Electricity, “Drought and a prolonged heatwave have put a lot of pressure on power supplies in the country’s north.”
Sinabi nito na ang average power consumption sa Hanoi noong Mayo ay tumaas ng higit sa 22.5 percent kumpara noong Abril.
Iniulat din ng state media ang pagkaputol sa suplay ng kuryente nitong nagdaang mga araw sa Quang Ninh province — tahanan ng world heritage-listed Ha Long Bay.
Ilang restaurants sa Ha Long city ang naubusan ng pagkain noong Biyernes ng gabi, dahil ang kawalan ng suplay ng kuryente ay nangangahulugan na ang mga tao ay hindi makapagluluto sa kanilang bahay.
Tinamaan din ng power cuts ang mga hotel sa sikat na isla.
Maging ang streetlights ay pinatay ng mga awtoridad sa ilang pangunahing mga siyudad, upang makatipid sa kuryente.