Granular lockdown, ipapalit sa Community quarantine kapag naging matagumpay ang pilot testing sa NCR
Posibleng alisin na ang ibat-ibang community quarantine classification na ipinatutupad sa ibat-ibang lugar sa bansa na naglalayong makontrol ang paglaganap ng COVID-19 kapag naging matagumpay ang pilot testing ng granular lockdown sa National Capital Region o NCR.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kung magiging epektibo ang granular lockdown sa Metro Manila ipapatupad na rin ito sa ibang lugar sa bansa at mawawala na ang community quarantine classification.
Ayon kay Roque pinaniniwalaan ng mga health experts na mas mabisang paraan sa pagkontrol ng pagkalat ng COVID 19 ang granular lockdown dahil makokontrol talaga ang galaw ng mga residente sa isang lugar na isasailalim sa hard lockdown.
Inihayag ni Roque ang konsepto ng granular lockdown ay isasailalim sa hard lockdown ang partilukar na lugar tulad ng gusali, komunidad o kalye na may malalang kaso ng COVID 19 at hindi papayagan ang sinuman na makalabas kahit ang Authorized Person Outside Residence (APOR).
Idinagdag ni Roque ang local government officials ang tutukoy ng mga lugar na isasailalim sa granular lockdown na may pagpapatibay ng IATF.
Niliwanag ni Roque ang pagpapatupad ng granular lockdown ay bahagi ng policy shift ng pamahalaan sa pagharap sa pandemya ng COVID 19 kasabay ng rollout ng mass vaccination program upang makagalaw na ang ekonomiya ng bansa.
Vic Somintac