Granular lockdown sa halip na Total lockdown ipatutupad kung lalala ang kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa – Malakanyang
Ikinukonsidera ng Malakanyang ang pagpapatupad na granular lockdown sa halip na total lockdown sa sandaling lumalala ang kaso ng Delta variant ng COVID 19 sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na kailangang panatilihing bukas ang ekonomiya ng bansa habang kinokontrol ang posibleng paglaganap ng Delta variant ng COVID-19 na sinasabing mabilis na makahawa at mas nakakamatay kumpara sa ibang variant ng corona virus.
Ayon kay Roque, handa naman ang mga local government units o LGUS na palakasin ang kanilang boarder control at contact tracing para maagapan ang paglaganap ng Delta variant ng COVID-19.
Inihayag ni Roque kung granular lockdown ang ipatutupad sa gitna ng pagharap sa kaso ng Delta variant ng COVID-19 maaari paring makapagtrabaho ang mga manggagawa sa ibat-ibang tanggapan basta mahigpit na sundin ang standard health protocol na mask hugas iwas at magpabakuna upang mapanatiling buhay ang ekonomiya ng bansa.
Niliwanag ni Roque isa sa matinding epekto ng pandemya ng COVID-19 ay ang pagbagsak ng buhay at kabuhayan ng maraming mamamayan na nagpapataas ng antas ng kahirapan at kagutuman.
Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS pumalo sa 4.2 milyong pamilyang pinoy ang nakakaranas ng kagutuman dahil sa kawalan ng hanapbuhay dulot ng patuloy na pananalasa ng pandemya ng COVID 19.
Vic Somintac