Granular lockdown sa NCR, paiigtingin pa habang nasa ilalim ng MECQ
Paiigtingin pang lalu ng Metro Manila Council ang granular lockdown habang sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine ang rehiyon.
Ayon kay MMDA chairman Benhur Abalos, iginagalang ng Metro Mayors ang pasya ng Inter- Agency Task Force pero magiging mas mahigpit ang mga lokal na pamahalaan sa implementasyon ng granular lockdown at hindi nila papayagang lumabas ng bahay ang mga residenteng may nagpositibo sa virus na kasama sa bahay.
Layon nitong huwag nang kumalat ang sakit habang niluluwagan ang quarantine restrictions at binubuksan ang mas maraming negosyo sa metro manila.
Makikipag-ugnayan aniya sila sa pulisya para sa mahigpit na implementasyon ng mga granular lockdown at mga safety and health protocol.
Pinapayagan ang outdoor exercises pero lilimitahan ito mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga.
Dodoblehin naman aniya ng mga LGU ang mass testing para mabilis matukoy ang mga maaring positibo sa virus.
Meanne Corvera