Green Walkshed tampok sa isang paaralan sa bayan ng Lasam, Cagayan
Isang kakaibang walkshed ang tampok sa Malinta Elementary School, Lasam East District sa bayan ng Lasam, Cagayan.
Sa halip kasi na galvanized iron ang panangga sa sikat ng araw habang naglalakad sa loob, mga gulay tulad ng sitaw ang makikitang gumagapang sa ginawang arko rito.
Naisakatuparan ang proyekto sa pangunguna ni John Andee Mayo, Head Teacher III na tinawag na Green Walkshed.
Ayon kay Sir Mayo, ang Green Walkshed ay nakapaloob sa kanilang Project GAVE o (Green Alley with Vegetables), kung saan hindi na kakailanganin pa ng payong pagpasok sa paaralan, dahil sa lilim na dulot ng mga halaman.
Layunin din aniya ng proyekto, na may maibigay na libreng pagkain ang mga estudyante sa kanilang magulang, lalo na sa mga may anak na nasa ilalim ng School Based Feeding Program.
Bukod sa sitaw ay makikita rin sa iba’t- ibang sulok ng paaralan, ang iba’t-ibang klase ng gulay tulad ng talong, ampalaya, okra, kamatis, at sili.
Nitong nakaraang buwan lamang, ginawaran ng parangal ang Malinta ES bilang Municipal Best Implementer ng Gulayaan sa Paaralan Program.
Ulat ni Allan-Jan Vega