Ground breaking ceremony ng itatayong convention center sa Ilagan city, pinangunahan ng pamahalaang lungsod
Sa laki ng itatayong convention center sa syudad ng Ilagan sa Isabela, ay kakayanin nitong maglulan ng higit walong libong katao.
Ito ang inihayag ni Ilagan city mayor Josemarie Diaz, sa isinagawang ground breaking ceremony ng nasabing proyekto ng lokal na pamahalaan.
Ang phase 1 ng itatayong convention center ay nagkakahalaga na ng 250 million pesos. Paliwanag ng lokal na pamahalaan, lalong magiging kapaki-pakinabang ang apat na ektaryang pagtatayuan ng gusali, dahil magiging sentro ito ng government services sapagkat gagawing multi-purpose commercial center ang lugar.
Ilan sa mga itatayong government provincial offices ay ang Department of Labor and Employment, Social Security System at Department of Education.
Ayon sa Local Government Unit (LGU) ng Ilagan, malaki ang naging epekto ng pandaigdigang pandemya hindi lang sa siyudad kundi sa lahat ng lugar, gayunman ay nais ng lokal na pamahalaan na muling ibangon ang ekonomiya na isa sa lubhang naapektuhan bunsod ng COVID-19.
Target ng LGU-Ilagan na magkaroon ng isang livable city o isang payapa, tahimik masaya, at maunlad na pamayanan, at bahagi rito ang pagpapaunlad ng lugar at pagtatayo ng iba’t-ibang imprastraktura.
Inaasahang tatagal ng isa at kalahating taon ang pagtatayo sa naturang convention center.
Ulat ni Erwin Temperante