Grupo iminungkahi na gawing regular ang umento sa sahod
Hindi sapat ang 35 pesos na dagdag sahod para sa minimum wage earners para makaagapay sa araw-araw na gastusin ng mga manggagawa.
Ayon kay Atty. Filemon Ray Javier, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, bagamat isang positibong hakbang ang dagdag sahod na ito dapat ay magkaroon ng mas napapanahong pagsusuri para makita ang pangangailangan ng mga manggagawa.
Nauunawaan naman aniya nila na kailangan ring isaalang-alang ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang kakayahan ng mga employer.
Giit pa ni Javier, dapat maging regular na rin ang wage hike.
Una rito sinabi ng Trabaho Partylist na hindi dapat nakadepende lamang sa umento sa sahod para matugunan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino.
Dapat matutukan rin aniya ang non-wage benefits gaya ng health insurance, pagbibigay ng regular na training at job upskilling, at pagpapalawig ng paid leaves at flexible working arrangements para sa mga manggagawang higit na nangangailangan nito.
Madelyn Moratillo