Grupo ng mga abugado, nag-rally sa labas ng Korte Suprema laban sa pagpapatalsik kay Sereno bilang Chief Justice
Nagprotesta sa labas ng Korte Suprema ang isang grupo ng mga abogado laban sa pagpapatalsik kay Maria Lourdes Sereno bilang Punong Mahistrado.
Sumama sa rally ng National Union of People’s Lawyer sina Dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares at Atty Edre Olalia.
Nakasuot ng black armband ang mga raliyista at bitbit ang mga streamer at tarpaulin na nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa desisyon ng Supreme Court sa quo warranto case laban kay Sereno.
Kinundena rin nila ang anila’y pag-atake sa Judicial independence at ang pag-iral daw ng authoritarianism sa bansa.
Tampok din sa rally ang aktibistang si May Paner o Juana Change na nakacostume ng nakapiring na Lady Justice.
Nakaantabay naman ang mga pulis sa labas ng Korte Suprema para matiyak ang kaayusan at seguridad.
Tinatayang nasa 20 ang raliyista ang lumahok at hindi naman nakaapekto sa trapiko sa Padre Faura.
Ulat ni Moira Encina