Grupo ng mga Allergologist sa Pilipinas at ibayong dagat muling nanawagan sa publiko na magpabakuna kontra Covid-19
Muling nanawagan sa publiko na agad nang magpabakuna kontra covid 19 ang grupo ng mga Allergologist mula sa Philippine Society of Asthma, Allergy at Immunology o PSAAI gayundin ang Asia Pacific Association of Allergy, Asthma and Clinical Immunology o APAAACI , Regional Allergy Asthma and Clinical Immunology Organization ng Asia Pacific Region.
Ito ay sa pamamagitan ng isang webinar na pinangunahan ng mga naturang organisasyon na dito ay binigyang diin ang paksang: COVID 19: ALLERGIES AND VACCINES, Understanding the Facts and Myths.
Bahagi ito ng pagunita sa APAAACI ALLERGY WEEK na ipinagdiriwang mula April 12 hanggang April 18, 2021.
Ayon sa dalawang allergologist group, hindi dapat na matakot sa pagpapabakuna kontra covid 19 dahil malaki ang maitutulong nito upang maproteksyunan ang kalusugan laban sa mapaminsalang virus.
Sinabi ni Dr. Rommel Crisenio Lobo, Presidente ng PSAAI na kahit na ano pang variants ng Covid 19, makatutulong ang mga bakuna na nasa ating bansa dahil ito ay dumaan naman sa masusing pag-aaral.
Tiniyak din ng mga nabanggit na organisasyon na walang dapat na ipangamba sa bakuna kontra Covid-19 dahil ligtas ito.
Dumaan ang Covid 19 vaccine sa kaparehong pagsusuri ng iba pang bakuna upang makapagligtas ng buhay.
Belle Surara