Grupo ng mga doktor nangangamba sa masamang epekto kung magiging opsyonal na ang pagsusuot ng face mask
Hindi pabor ang Philippine College of Physicians sa rekumendasyon ng Inter Agency Task Force Against COVID- 19 na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask kapag nasa open area.
Giit ni Dr. Maricar Limpin, Presidente ng Philippine College of Physicians, nakatatakot ang posibleng maging epekto nito sa covid situation sa bansa.
Binigyang- diin ni Limpin na hindi napapanahon ang rekumendasyon na ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF dahil ang face mask policy ang dapat na pinakahuling alisin sa mga protocol kontra COVID-19.
Bukod pa sa masyado pa aniyang mababa ang booster shot coverage sa bansa.
Nabatid na sa 90% ng fully vaccinated sa bansa, mahigit 20% palang ang may booster.
Ayon sa DOH ang face mask ay nakapagbibigay ng 70 hanggang 80 porsyentong proteksyon sa virus.
Umaasa si Limpin na irerekunsidera ito ng gobyerno.
Madelyn Villar – Moratillo