Grupo ng mga health care workers nagrally sa labas ng PGH sa Maynila
Ilang araw bago ang nalalapit na pagdating ng mga donasyong COVID- 19 vaccines ng Sinovac, nagtipon ang mga health care workers sa labas ng Philippine General Hospital sa Maynila para igiit na ang dapat iturok sa medical frontliners ay bakunang may pinakamataas ng efficacy rate.
Kabilang sa mga lumahok sa rally ay mga miyembro ng All UP workers Union ng UP-PGH at Bantay Bakuna-PGH.
Giit nila, hindi naman sila choosy at wala rin namang isyu ang kung anong brand ng bakuna ang gagamitin sa kanila.
Pero kaligtasan umano nila ang pinag-uusapan at nakasalalay dahil sila ang nasa frontline ng laban sa COVID-19.
Bagamat binigyan na ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration ang Sinovac vaccines hindi naman nila ito inirerekumenda na gamitin para sa healthcare workers dahil sa mababang efficacy rate sa kanila.
Ang bakuna ng Sinovac ayon sa FDA pwede lang sa mga nasa edas 18 hanggang 59 anyos kaya bawal din ito sa matatanda.
Sa age group na ito, may mataas na efficacy rate ang bakuna na nasa 65.3% hanggang 91.2% batay narin sa ginawang clinical trial sa Turkey at Indonesia.
Sa kabila nito, iginiit ng ilang eksperto na epektibo parin ang Sinovac vaccines dahil pasok ito sa 50% efficacy rate na itinakda ng World Health Organization.
Umaapila naman ang ilang healthcare workers, na sana ay magkaroon ng P1 million indemnification sa bawat health care workers na makararanas na side effects ng bakuna.
Madz Moratillo