Grupo ng mga kabataan, hiniling sa PET na tuluyan nang ibasura ang poll protest ni fmr. Sen. Marcos vs. VP Robredo
Nanawagan sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) ang grupong Akbayan Citizen’s Action Party at iba pang youth organizations na pinal nang ibasura ang election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice- President Leni Robredo.
Sa kanilang liham sa mga mahistrado ng Supreme Court, sinabi ng grupo na dapat nang desisyunan nito ang poll protest case dahil bigong makakuha si Marcos ng substantial recovery votes sa isinagawang initial recount ng mga boto.
Partikular sa tatlong pilot provinces na tinukoy ng kampo ni Marcos na llollo, Camarines Sur at Negros Oriental.
Ipinunto ng Akbayan na nadagdagan pa nga ng 15,000 boto ang lamang ni Robredo kay Marcos base sa resulta ng recount.
Ayon sa Akbayan, malinaw sa PET Rules na para magpatuloy ang poll protest ay dapat na makakuha ng sapat na recovery votes ang protestant.
Dahil dito, iginiit ng grupo na dapat nang ibasura ng Tribunal ang protesta at pagtibayin ang pagka-halal kay Robredo bilang bise-presidente noong 2016 elections.
Moira Encina