Grupo ng mga magulang, nagpahayag ng suporta sa Anti- Terror law
Muling nagtipun-tipon sa labas ng Korte Suprema ang mga grupong kontra at pabor sa Anti- Terrorism Act kasabay ng ikatlong araw ng oral arguments sa mga petisyon na kumukwestyon sa batas.
Nais ng ibat ibant militanteng grupo na ibasura ng Supreme Court ang Anti- Terror law kasabay ng panawagan na papanagutin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasong paglabag sa karapatang pantao.
Inihirit din ng mga raliyista na idismiss ang kasong terorismo laban sa dalawang Aetas na sina Japer Gurung at Junior Ramos na sinasabing unang kinasuhan sa ilalim ng bagong Anti Terrorism law.
Iba naman ang eksena at panawagan sa isinagawang rally ng grupo ng mga magulang sa pangunguna ng League of Parents of the Philippines.
Inihayag ng mga magulang ng mga kabataang sinasabing narecruit ng CPP- NPA ang kanilang pagsuporta sa pagpapatupad ng Anti- Terror law.
Naniniwala ang grupo na ang nasabing batas ay makatutulong sa mga magulang para maproteksyunan at matigil ang sinasabing recruitment at panlilinlang ng CPP-NPA at mga militanteng grupo sa mga kabataan.
Moira Encina