Grupo ng mga negosyanteng Tsinoy, nangangamba sa epekto sa ekonomiya ng bagong variant ng COVID
Aminado ang liderato ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry Inc. (FFCCCII) na nakababahala ang banta ng bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
Ito ay dahil sa sandali pa lamang nakarerekober ang ekonomiya at mga negosyo sa bansa kasunod ng mga pagluluwag sa quarantine restrictions.
Gayunman, umaasa si FFCCCII President Henry Lim Bon Liong na hindi gaano maapektuhan ng bagong variant ang mga operasyon ng mga negosyo na kakabukas pa lamang.
Kaugnay nito, nanawagan ang negosyante na lalo pang paigtingin at bilisan ang pagbabakuna laban sa COVID para makalikha ng mas maraming trabaho at ligtas na makabalik ang economic activities sa bansa.
Isa aniya ang grupo nila sa sumuporta sa vaccination program sa pamamagitan ng pagbili ng 500,000 doses ng CoronaVac para ibakuna sa mga economic frontliners.
Samantala, namigay ang Filipino -Chinese business groups ng relief packages sa may 40 barangays, fire volunteers at iba’t ibang grupo sa Metro Manila na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Bukod pa ito sa mga naunang donasyong salapi, medical supplies at pagkain ng grupo noong nakaraang taon sa mga health care workers at iba pang frontliners sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang donasyon ay mula sa Php300 milyong pondong nakalap mula sa Tsinoy communities.
Tiniyak ng grupo na kaisa sila ng gobyerno para sa mas mabilis na pagbangon ng mga mamamayan at ekonomiya na bumagsak dahil sa pandemya.
Moira Encina