grupo ng mga nurse at DOH nakatakdang magpulong ngayong araw, kaugnay sa isyu ng bagong budget circular ng DBM

Nakatakdang magpulong ngayong araw ang Department of Health at mga kinatawan ng Filipino Nurses United kaugnay sa sinasabing “demotion” ng ilang mga nurse.

Kabilang sa inaasahang tatalakayin ang patungkol sa budget circular ng Department of Budget and Management kung saan layong itaas ang sweldo ng entry-level nurses sa bansa.

Ayon kay Maristela Abenojar, presidente ng FNU, ilalahad nila sa nasabing dayalog ang kanilang sentimyento ukol sa desisyon ng DBM na baguhin ang nursing positions sa pamahalaan.

Sa ilalim kasi aniya ng nasabing Budget Circular, nakasaad na ang entry-level nurse I position ay maa-upgrade sa Salary Grade 15, alinsunod na rin sa Republic Act 8173 o Philippine Nursing Act of 2002.

Nangangahulugan lamang ito na ang isang nasa nurse I position ay maaaring makatanggap ng P32,000 na sweldo kada buwan.

Pero giit ng grupo paano naman ang mga nurse na matagal na sa trabaho.

Dagdag pa ng grupo, kapag naipatupad ito, ang nurse III ay mare-reclassify bilang nurse II at makatatanggap ng kasakuluyan nilang salary grade 17.

Habang ang nurse IV ay magiging nurse III na makatatanggap ng salary grade 19 at ang nurse VII ay magiging nurse VI, na walang pagbabago ang sweldo na nasa salary grade 24.

Umaasa ang FNU na magiging maganda ang resulta ng kanilang dayalogo sa DOH.

Madz Moratillo

Please follow and like us: