Grupong Manibela at Piston , papasada kahit walang prangkisa sa April 30
Handang labagin ng grupong Manibela at Piston ang April 30 deadline para sa consolidation kaugnay ng Transport Modernization Program ng gobyerno.
Ito’y matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala nang extension ang deadline sa April 30 at lahat ng hindi tumugon ay babawian na ng prangkisa at ituturing ng colurum kaya maaari na silang hulihin kapag pumasada pa sa mga lansangan sa May 1.
Sinabi ni Mar Valbuena Chairman ng Grupong Manibela sa Lunes at Martes ,April 15 at 16 ay isasagawa nila ang dalawang araw na tigil pasada sa buong bansa para paralisahin ang biyahe.
Inihayag naman ni Bong Baylon Deputy Secretary General ng grupong Piston na pagkatapos ng dalawang araw na transport strike at hindi parin sila pakikinggan ng gobyerno kaugnay ng kanilang pagtutol sa Jeepney Modernization Program ay muli silang magsasagawa ng tigil pasada hanggang sumapit ang April 30 deadline.
Nagbanta pa si Valbuena na kahit wala na silang prangkisa at provisionary permit pagdating ng May 1 ay papasada parin ang grupong Manibela at Piston.
Iginiit ni Valbuena na kung huhulihin sila ng mga awtoridad ay ibabalandra nila sa tanggapan ng LTO at LTFRB ang kanilang traditional jeepney units.
Vic Somintac