Grupong Patriotic and Democratic Movement na nananawagan ng kudeta laban kay Pangulong Duterte minaliit ng Malakanyang
Tiwala ang Malakanyang na hindi magtatagumpay ang mga grupong nananawagan ng pag-aalsa laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na tiniyak ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang katapatan sa Saligang Batas at hindi pagagamit sa anumang pamumulitika ng mga kalaban ng administrasyon.
Ayon kay Abella lahat ng concern ng grupong nagpakilalang Patriotic and Democratic Movement ay ginagawan na ng aksyon ng pamahalaan.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag matapos maglabas ng manifesto ang grupong nagpakilalang Patriotic and Democratic Movement sa pamamagitan ng kanilang Spokesman na nakilala sa pangalang Antonio Bonifacio na nananawagan ng pag-aalsa ng militar, pulisya at taongbayan dahil sa pagtataksil sa interes ng publiko na ginawa ng Pangulo.
Inihayag ni Abella na hindi naman kumakatawan sa mga opisyal at miyembro ng AFP at PNP ang grupong Patriotic and Democratic Movement.
Ulat ni: Vic Somintac