Grupong PISTON posibleng mawalan ng prangkisa kapag itinuloy ang transport strike – LTFRB
Nakiusap ang pamunuan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB na huwag ng ituloy ang ikinasang tatlong araw na tigil pasada simula November 20 araw ng Lunes hanggang November 23 araw ng Miyerkules ng grupong Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON.
Ang apela ay ginawa mismo ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III sa isang press conference.
Ipinaalala ni Guadiz sa grupong PISTON na ang pagkakaroon ng prangkisa mula sa gobyerno ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan na maaaring kanselahin kung hindi nakatugon sa mga alituntunin na nakasaad sa batas.
Inihayag ni Guadiz na hindi totoo ang pinalulutang ni PISTON National President Mody Floranda na ang amyenda sa omnibus franchising guidelines ay magreresulta sa monopolyo ng mga malalaking transport operators na sasalungat sa Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP.
Iginiit ni Guadiz na ang kailangan lamang ng mga operators ng traditional jeepneys ay sumunod sa consolidation process hanggang December 31 para marenew ang kanilang prangkisa.
Sinabi ni Guadiz na sandaling sumunod sa consolidation process para makapagtatag ng kooperatiba upang makakakuha ng tulong ng pamahalaan sa jeepney modernization program.
Niliwanag ni Guadiz na pagpasok ng Enero ng susunod na taon ay mayroon pa ring palugit na 37 buwan sa mga operators ng traditional jeepneys na magamit ang kanilang units basta ito ay papasa sa road worthiness standard ng Land Transportation Office o LTO para mairehistro hangga’t hindi napapalitan ng modernong units ng jeepney na kumpleto sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Vic Somintac