Grupong tututok sa bagong variant ng COVID – 19 , binuo ng Malakanyang
Bumuo na ng Technical Working Group ang Inter Agency Task Force o IATF na tututok sa bagong variant ng COVID- 19.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque magiging trabaho ng Technical Working Group na imonitor at determinahin kung may nakapasok ng bagong strain ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Roque ang Technical Working Group din ang gagawa ng policy recommendation sa IATF kung anong magiging tugon ng gobyerno sa bagong variant ng corona virus.
Magsisilbing chairman ng Technical Working Group si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire at Co-Chairman naman si Executive Director Jaime Montoya ng Philippine Council for Health Research and Development.
Magiging miyembro ng Technical Working Group ang ilan pang mga taga Department of Health o DOH, Research Institute for Tropical Medicine o RITM, University of the Philippines National Institutes of Health at UP-Philippine Genome Center.
Kaugnay nito inihayag ni Roque na kinumpirma ng DOH na hindi pa nakakapasok sa bansa ang bagong variant ng COVID-19 na nagsimula sa United Kingdom.
Batay ito sa ginawang pagsusuri ng Philippine Genome Center sa mga specimen ng mga nagpositibo sa COVID -19 mula sa mga bansang may naitalang kaso ng new variant ng COVID 19.
Vic Somintac