Guevarra at Remulla, nagpulong na para sa maayos ng transition ng liderato sa DOJ
Nagharap sa unang pagkakataon para sa transition meeting sina outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra at Justice Secretary-designate Congressman Crispin ‘Boying’ Remulla upang matiyak ang maayos na paglilipat ng operasyon at trabaho sa DOJ.
Unang dumating sa kagawaran ang ilang napaulat na opisyal na magiging parte ng liderato ni Remulla sa DOJ na kinabibilangan nina Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay at Atty. Jesse Andres.
Bago naman mag-10:00 ng umaga ay magkasunod na dumating sa DOJ sina Guevarra at Remulla.
Tumagal ng dalawang oras ang pagpupulong ng mga opisyal.
Sinabi ni Remulla na hindi ito ang huling paguusap nilang dalawa ni Guevarra.
Inamin ng incoming justice chief na masalimuot at komplikado ang problema sa justice system sa bansa.
Hindi naman idinetalye ni Remulla ang maraming isyu na natalakay sa pag-uusap nila ni Guevarra.
Sinabi rin ni Remulla na maraming siyang ipaprayoridad at itutuloy na mga programa at proyekto sa kanyang panunungkulan sa DOJ.
Bagamat nanalong kongresista ay tinanggap ni Remulla ang pag-nominate sa kanya ni President-elect Bongbong Marcos Jr. na pamunuan ang justice department.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Guevarra na tinalakay nila kay Remulla ang organisasyon at mga functions ng DOJ at mga attached agencies.
Gayundin, ang mga on-going na programa at proyekto at mga kaso at concerns na nangangailangan ng agarang atensyon ng susunod na kalihim ng DOJ at mga tauhan nito.
Moira Encina