Guevarra: Data Privacy Act, posibleng nalalabag sa profiling sa mga organizers ng community pantries
Posibleng paglabag sa Data Privacy Act ang profiling ng ilang otoridad sa mga organizers ng community pantries.
Ito ang tugon ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa tanong kung may nalalabag na batas ang profiling ng pulis at iba pang law enforcers.
Ayon sa kalihim, depende ito sa kung anong uri ng personal na impormasyon ang kinuha nang walang consent ng indibidwal, at ang layunin ng pagkuha ng datos.
Sinabi ni Guevarra na kung may nais na mag-reklamo na volunteers o organizers ng community pantries dahil sa paniwala nila na nalabag ang kanilang karapatan ay maaari itong ihain sa piskalya, korte o kaya ay sa PNP, DILG o AFP depende sa klase ng reklamo.
Anya kung ito ay kriminal na reklamo ay sa prosecutors’ office ito dapat isampa.
Kapag civil complaint naman para sa injunction at damages ay pwedeng diretso na ito ihain sa korte, at kung administratibong reklamo ay sa PNP o DILG at AFP.
Samantala, inihayag ng Integrated Bar of the Philippines na walang nalalabag na batas ang mga nagpapakain sa mga nagugutom at tumutulong sa mga nangangailangan ngayong pandemya.
Sinabi ni IBP National President Domingo Egon Cayosa na dapat purihin ang mga community pantries at hindi dapat i-profile ang mga nasa likod nito.
Marapat lang din anya itong gayahin at hindi i-red-tagged; at suportahan at hindi ipatigil.
Moira Encina