Guevarra: Guidelines sa pag-aresto sa mga hindi magsusuot ng face mask, lalagdaan sa Biyernes
Pumayag na si Interior Sec. Eduardo Año na aprubahan ang guidelines na binuo ng DOJ kaugnay sa pag-aresto sa mga taong hindi magsusuot o mali ang pagsusuot ng face mask.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nakatakdang lagdaan sa Biyernes, May 28 ng DOJ at DILG ang nasabing joint guidelines.
Ang panuntunan na binalangkas ng DOJ ay para sa paghuli,pagditene, at pag-imbestiga sa mga taong lumabag sa health protocols na ipinapatupad ng pamahalaan.
Una nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DOJ at DILG na bumuo ng panuntunan para sa akmang implementasyon sa pag-aresto sa face mask violators
Ayon kay Guevarra, may ilan na lang na minor na aayusin sa guidelines pero ito ay handa nang lagdaan sa Biyernes.
Tumanggi muna si Guevarra na tukuyin ang highlights ng joint guidelines.
Inihayag dati ng kalihim na ang paghihigpit sa safety protocols ng Malacañang ay istratehiya ng gobyerno para makontrol ang pagkalat pa ng sakit at mapabilis ang pagbubukas ng buong ekonomiya.
Moira Encina