Guevarra: Imbestigasyon ng NBI sa shootout sa pagitan ng PNP at PDEA sa Quezon City noong Pebrero, halos tapos na
Kumpleto na halos ng NBI ang imbestigasyon nito sa shootout sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA sa Quezon City noong Pebrero.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, hinihintay na lamang ng NBI ang resulta ng digital forensic examination ng mga mobile phones ng mga operatiba na sangkot sa insidente.
Aniya maraming material evidence ang inaasahang makukuha ng NBI mula sa mga nasabing kagamitan.
Sinabi ng kalihim na umaasa ang NBI na maisusumite nito sa DOJ ang pinal na report ng imbestigasyon sa katapusan ng Agosto.
Inihayag ni Guevarra na maliban sa mabagal at matagal na proseso ng pagkuha ng cyber warrants mula sa hukuman ay kinailangan na siyasatin ng NBI forensic investigators ang average na 22,000 pages ng text messages, call logs, videos, at pictures kada mobile phone.
Ang NBI ang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging sole investigator sa insidente kung saan apat ang namatay.
Bumuo ang NBI ng composite team na kinabibilangan ng mga agents mula sa intelligence, investigation, at forensic division ng kawanihan.
Una nang iginiit ng PNP at PDEA na lehitimo ang anti-drugs operation nila sa Commonwealth Avenue at may koordinasyon sa pagitan ng dalawang panig.
Moira Encina