Guevarra kinumpirma na sumuko sa NBI ang TikTok user kaugnay sa sinasabing kill plot vs BBM
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na boluntaryong sumuko sa NBI ang TikTok user na nag-post ukol sa sinasabing planong pagpaslang kay presidential aspirant Bongbong Marcos.
Sinabi ni Guevarra na sumuko noong Martes ang may-ari ng Tiktok account na nagbanggit na sinasabing kill plot laban kay BBM.
Ayon sa kalihim, pinayuhan ang lalaki na kumuha ng abogado.
Walang detalye na ibinigay si Guevarra gaya ng edad o tirahan ng lalaki dahil sa security reasons.
Patuloy din aniyang inaalam pa ng NBI ang bigat ng umano’y death threat kay Marcos.
Inihayag naman ni NBI Spokesperson Ferdinand Lavin na pinauwi rin ang lalaki matapos na humarap sa kawanihan.
Una nang nakatanggap ang DOJ- Office of Cybercrime ng online tip ukol sa pagbabanta laban kay BBM sa nasabing social media platform
Deleted na ang account na sangkot pero naipreserba ng Tiktok ang data nito para sa imbestigasyon ng mga otoridad.
Moira Encina