Guevarra: Mga resolusyon ng IATF, legally binding
Welcome kay Justice Sec. Menardo Guevarra ang petisyon na isinampa sa korte ng ilang Cebu lawyers na kumukuwestyon sa COVID-19 quarantine protocols ng IATF na ipinapatupad sa kanilang lalawigan.
Sa petisyon ng Cebu-based lawyers, hiniling ng mga ito sa hukuman na ideklarang ‘ineffective’ ang polisiya ng IATF na sumailalim sa 10 araw na quarantine ang mga pasaherong galing sa ibang bansa.
Ayon kay Guevarra, dahil sa paghahain ng nasabing kaso ay magkakaroon na ng judicial forum para mabigyang linaw ang isang mahalagang legal issue na maaaring sumulpot uli sa hinaharap.
Gayunman, iginiit ni Guevarra na IATF member na legally binding ang mga resolusyon ng IATF dahil ito ay pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng executive orders.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na aplikable at may bisa pare-pareho sa bawat panig ng bansa ang IATF resolutions.
Paliwanag pa ni Guevarra, ang IATF ay nilikha ng pangulo kaya ito ay isang qualified political agency ng punong ehekutibo.
Ang mga aksyon aniya ng IATF ay mga aksyon ng presidente maliban kung kontrahin ng pangulo.
Kaya dapat aniyang ihanay ng mga LGUs ang kanilang polisiya,resolusyon, at ordinansa alinsunod sa mga direktiba ng punong ehekutibo.
Binigyang-diin ni Guevarra na kung hindi ito gagawin ay magkakaroon ng kaguluhan sa lipunan.
Moira Encina