Guevarra pabor na ilipat sa mas secured na kulungan si Kerwin Espinosa
Naniniwala si Justice Secretary Menardo Guevarra na dapat ilipat sa mas secure na piitan si Rolan ‘Kerwin’ Espinosa na nahaharap sa iba’t ibang illegal drug case.
Ang pahayag ay kasunod ng tangkang pagtakas ni Espinosa sa NBI Detention Center sa Maynila na napigilan ng mga otoridad.
Ayon kay Guevarra, akusado sa maraming kaso sa mga korte si Espinosa kaya dapat mailipat ito sa ibang kulungan mula sa NBI detention facility.
Pero, kakailanganin aniya ng committment orders mula sa mga hukuman kung saan ito may pending na kaso para ma-transfer si Espinosa.
Pangkaraniwan aniya sa mga kulungan ng BJMP nakapiit ang mga akusado na naghihintay ng pagtatapos ng paglilitis sa kaso.
Paliwanag pa ni Guevarra, ang mga korte ang magdidetermina kung saang kulungan ilalagay ang akusado.
Gayunman, magrerekomenda aniya ang DOJ ng pinaka secured na piitan.
Ganito rin ang gagawin ng DOJ sa dalawa pang detainee na nagtangkang tumakas mula sa NBI.
Moira Encina