Guevarra: Paglilitis sa mga kaso kaugnay sa Mamasapano encounter, nagpapatuloy sa korte
Pitong taon matapos ang engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, nagpapatuloy pa rin ang paglilitis sa mga kaso kaugnay sa pagkamatay ng 44 na tauhan ng PNP Special Action Force.
Sa update ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa itinatakbo ng mga kaso, sinabi na sa oras na muling magbukas ang korte ay nakatakdang ipagpatuloy ng prosekusyon ang pagprisinta ng mga ebidensya.
Aniya umaabot sa 35 kasong direct assault at murder ang naisampa ng DOJ sa korte laban sa 88 akusado sa Mamasapano encounter.
Tatlo sa mga akusado ang nadakip ng mga otoridad.
Pero, ang dalawa ay pinayagang makapagpiyansa dahil sa insufficient identification at ang kaso sa isa naman ay ibinasura dahil sa pagiging menor de edad.
Unang inihain ng DOJ ang mga kaso sa hukuman sa Cotabato City pero inilipat kalaunan sa Taguig City Regional Trial Court dahil sa isyu ng seguridad.
Moira Encina