Guevarra: PAO nagkakaloob na ng libreng legal assistance sa mga pulis at iba pang uniformed personnel
May libreng legal assistance ng ipinagkakaloob ang Public Attorney’s Office (PAO) para sa mga pulis at iba pang uniformed personnel na makakasuhan sa pagganap ng kanilang trabaho.
Ito ang inihayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra kaugnay sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang SONA na magpasa ng batas ang Kongreso para sa free legal assistance sa mga pulis at sundalo.
Ayon sa kalihim, may direktiba ang DOJ sa PAO na attached agency nito para bigyan ng legal assistance ang mga pulis hanggang sa SPO4 level at iba pang unipormadong tauhan.
Sinabi pa ni Guevarra na may umiiral din na memorandum circulars ang PAO sa kanilang public attorneys ukol sa nasabing isyu.
Pero, ang legal assistance aniya ay subject sa ebalwasyon ng PAO o maaaring tanggihan gaya na lang kung may conflict of interest.
Ito ay partikular na kung ang ibang partido sa kaso ay humingi rin ng tulong mula sa PAO.
Moira Encina