Guevarra: Pilipinas may nakalatag na mga mekanismo at safeguards para sa mga refugees
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na may mga mekanismo at safeguards na nakalatag ang gobyerno ng Pilipinas sa pagtanggap ng refugees upang matugunan ang mga posibleng banta sa pambansang seguridad.
Ito ay kaugnay sa pahayag ng Malacañang na handang tanggapin ng Pilipinas ang mga posibleng refugees mula sa Afghanistan na apektado ng political unrest doon.
Inihayag ni Justice Sec. Menardo Guevarra na kung kilalanin ng UN High Commissioner for Refugees (UNHCR) ang status ng Afghan nationals bilang refugees at kailangan ng mga ito ng pansamantalang tirahan sa Pilipinas ay may Emergency Transit Mechanism (ETM) na nakalatag ang pamahalaan alinsunod sa kasunduan sa UNHCR.
Paliwanag pa ng kalihim, kung dumating sa bansa ang mga Afghan nationals at mag-apply ng permanent status bilang refugees ay isasailalim ang mga ito sa ebalwasyon ng DOJ Refugees and Stateless Persons Unit (RSPPU) para malaman kung nakatugon sa international standards para sa refugee status.
Ayon pa kay Guevarra, kung kinakailangan ay maaaring ipatawag din ang NBI at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) para mabatid kung ang isang aplikante ay may banta sa pambansang seguridad.
Sa oras na mapagtibay aniya ng DOJ ang refugee status ay ipatutupad ng Bureau of Immigration (BI) ang desisyon at mag-i-isyu ng kinauukulang documentation sa aplikante.
Sinabi ni Guevarra na ipinapatupad ng Pilipinas ang open-arms policy sa mga refugees at iba pang tao na nakararanas ng persekusyon sa kanilang pinagmulang bansa kabilang na rito ang potential Afghan refugees na nadisplaced ng political upheaval doon.
Ayon pa sa kalihim, walang quota kung ilan ang refugees na puwedeng tanggapin ng Pilipinas at walang order of preference kung sino ang gagawaran ng refugee status.
Ang lahat aniya ay case-by-case o person-to-person basis.
Sa oras din aniya na mabigyan ng refugee status ay “on their own” na ang aplikante at ang pamilya nito pero maaaring pagkalooban pa rin ng gobyerno ng tulong sa limakakaya nito.
Moira Encina