Guevarra pinatutugis sa NBI ang suspek sa pagpatay sa isang piskal sa Trece Martires, Cavite
Patay ang isang piskal sa Trece Martires City sa Cavite matapos barilin sa ulo ng salarin sa bisperas ng Bagong Taon.
Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si
Assistant City Prosecutor Edilbert Mendoza, 48 anyos.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na inatasan na niya ang NBI na agad na sumama sa pagtugis at pagdakip sa mga nasa likod ng krimen.
Ayon sa kalihim, ang kagimba-gimbal na pagkamatay ni Mendoza ay nagpapakita sa panganib na kinakaharap ng mga piskal sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang pamamaril 7:38 ng umaga ng Disyembre 31.
Binaril sa likod ng ulo ang piskal na nagresulta sa agarang pagkamatay nito.
Nabatid din sa follow up investigation na ipinaalam ng biktima dati sa pulisya na nagkaroon ito ng argumento sa kanyang kapitbahay na nagngangalang Dante.
Ayon sa pulisya, sinasabing nilagyan o tinusok ng matutulis na bagay ni Dante ang gulong ng sasakyan ng biktima.
Bukod dito, may umiiral na away sa lupa ang pamilya ng biktima at ang sinasabing kapitbahay sa isang property sa Tagaytay City.
Narekober sa lugar ng krimen ang tatlong cartridge cases ng caliber 9mm.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy at maaresto ang suspek.
Moira Encina