Guidelines na ipinatutupad ng bawat LGU, dapat munang alamin ng mga nagbabalak mamasyal
Dapat munang alamin ng mga turista o mga nagbabalak mamasyal ang mga alintuntuning ipinatutupad ng bawat lokal na pamahalaan bago magtungo sa mga Tourist destination.
Ito ang paalala ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar kasunod ng anunsyo ng Malakanyang na binubuksan na ang lokal na turismo sa mga residente ng NCR Plus.
Ayon sa PNP Chief, may kani-kaniya kasing Rules and Regulations ang mga LGU na dapat sundin ng bawat turista.
“Payo ko po sa ating mga kababayan, alamin po natin muna ang mga panuntunan na ipinatutupad ng mga lokalidad na inyong balak puntahan dahil may mga pagkakataon na naghihigpit pa rin po sila sa mga turista at may mga karagdagang sariling regulations“.
“Alam ko po na sabik tayo ngayong magbakasyon o maglibang dahil sa tagal ng pagkakakulong sa ating mga tahanan. Pero tandaan po natin na nariyan pa din po ang banta ng COVID-19. Dobleng pagiingat pa rin po ang ating gawin habang nasa labas ng ating mga bahay”.
Samantala, sinabi pa ni Eleazar na tuluy-tuloy ang pagbabantay ng mga tauhan ng PNP alinsunod sa mga alintuntunin mula Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) bilang pag-iingat sa Covid-19.
Nauna nang inanunsyo ng Malakanyang na pinapayagan na ang domestic travel sa labas ng NCR Plus pero kailangan ay negatibo ang mga bibiyahe sa Covid-19 test.