Guidelines ng DOTr sa Transport sector sa Metro Manila, mananatili ngayong MECQ
Mananatili ang panuntunan ng Department of Transportation (DOTr) sa transportation sector sa Metro Manila, Bataan at Laguna kahit pa isinailalim na sa Modified Enhancec Community Quarantine (MECQ) ang mga nasabing lugar.
Sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade, na mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum health safety protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, shield at physical distancing sa mga pumpublikong sasakyan.
Mananatili sa 50 percent ang maximum capacity sa mga public jeepney at bus, one -seat apart ang mga pasahero, bawal ang tayuan at bawal umupo malapit sa driver ng sasakyan.
Bagama’t pinapayagan ang biyahe ng mga tricycle, kailangang iisa lang dapat ang sakay nito, maaari ring makabiyahe ang mga TNVS motorcycle taxis ngunit dapat ay may sariling helmet ang pasahero.
Mahigpit ding sasalain ang mga sasakay sa iba pang mass transit gaya sa LRT Lines 1 at 2 gayundin sa Metro Railway Transit o MRT Line 3 kung saan mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) lamang ang papayagan at dapat magpakita sila ng katibayan tulad ng IDs at iba pang dokumento.
Tuloy pa rin ang biyahe ng mga eroplano at barko subalit depende pa rin sa umiiral na quarantine classification ng destinasyon kung maaari o hindi na makapasok ang mga nagmula sa MECQ areas.