Guidelines para sa booster shot vaccine rollout sa 12-17 age group, inaasahang ilalabas sa mga susunod na araw
Inaasahang bukas, Lunes ipalalabas na ng Department of Health (DOH) ang guidelines para sa pagbabakuna ng booster dose sa 12 – 17 age group.
Ayon kay Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson Myrna Cabotaje, approval na lamang ng Office of the Health Secretary ang hinihintay sa isinumiteng set of guidelines ng Health Technology Assessment Council (HTAC).
Sa sandaling maaprubahan, ilalabas na ito sa mga susunod na araw upang masimulan na ang vaccine rollout.
Pero nilinaw ni Cabotaje na ang rollout ng booster vaccination para sa mga kabataan ay sisimulan sa mga immunocompromised saka isusunod ang pagbabakuna sa nasabing age group na walang karamdaman.
Samantala, patuloy pang pinag-aaralan ng HTAC ang pagbabakuna naman ng booster dose sa mga 6-buwang gulang pataas.
Hanggang ngayon ay nananatiling ang pagbabakuna ng ikalawang booster ay hindi pa para sa general population kundi para lamang muna sa mga senior citizen, health workers at immunocompromised.