Guidelines para sa pagsasagawa ng Psychiatric-Psychological Exam sa lahat ng mga pulis, isinasapinal na
Isinasapinal na ng Philippine National Police Health service ang mga alituntunin para sa rekomendasyong pagsasailalim sa lahat ng pulis sa Psychiatric-Psychological Exam.
Ito ay bunsod ng mga kaso ng grave misconduct mula sa ilang mga police officer kung saan ang pinakahuli ay ang pamamaril ng isang Police Sergeant sa loob ng Manila Police District headquarters na ikinamatay ng isang pulis at ikinasugat ng isa pa.
Ang pagsasailalim ng mga pulis sa Psychiatric-Psychological Exam ay upang maobserbahan ang regular assessment sa emotional at mental health condition ng kapulisan.
“This recent incident at MPD, along with the previous ones, highlights the need for us to closely look into the overall state of our men. Hindi nagtatapos sa kung paano nila ginagawa ang kanilang trabaho, kasama dito ang pagtingin sa kanilang physical, emotional at lalo na ang kanilang mental state,” PGen Eleazar.
Ayon pa kay Eleazar, ikinukonsidera niyang maisagawa ang nasabing eksaminasyon kada tatlong taon para na rin sa kapakanan ng pulisya lalu na ang mga nasa ground operations.
Samantala, tiniyak ni Eleazar na tutulungan ang pamilya ni Police Master Sgt. Romeo Cantal na nagbuwis ng kaniyang buhay at pumigil sa pagwawala ng pulis na si Reynante Dipasupil ganundin ang isa pang pulis na nasugatan sa insidente.