Guidelines sa pag-aresto sa mga taong hindi magsusuot ng face mask, binubuo na ng DOJ at DILG
Sa lalong madaling panahon ay ilalabas ng DOJ at DILG ang mga panuntunan sa pag-aresto sa mga taong hindi magsusuot ng face mask.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DOJ at DILG na bumuo ng guidelines para sa akmang pagpapatupad ng pag-aresto sa mga hindi susunod sa nasabing health protocol.
Batid anya ng presidente ang mga komplikasyon na maaring mangyari sa pag-huli sa mga hindi magsusuot ng face mask.
Lalamanin anya ng guidelines ang procedure ng pag-aresto at pagkulong hanggang sa pagsasampa ng kaso kung kinakailangan.
Tutukuyin anya sa panuntunan ang paraan, oras o lugar ng booking, detention, at imbestigasyon sa suspek para maiwasan ang overcrowding sa kulungan at maiwasan ang pagkalat ng virus.
Alinsunod naman aniya sa mga umiiral na procedures, ang lahat ng maaresto ay sasailalim sa inquest proceedings ng mga DOJ prosecutors.
Nilinaw ni Guevarra may bisa na ang direktiba ng pangulo kahit wala pang guidelines.
Sinabi ng kalihim na may umiiral ng mga batas at ordinansa ang lahat ng LGUs na nagpapatupad ng pagsusuot ng face mask at nagpapataw ng parusa sa mga susuway.
Ipinunto pa ni Guevarra na ang pinakamabuting paraan upang hindi maaresto ay ang magsuot ng face mask at sumunod sa batas.
Depensa ng kalihim, ang utos ng pangulo ay parte ng istratehiya ng pamahalaan na mahigpit na implementasyon ng health protocols para makontrol ang pagkalat pa ng sakit at mapabilis ang pagbubukas ng buong ekonomiya.
Moira Encina