Guidelines sa paggamit ng self-administered antigen test kits, ilalabas ng DOH sa susunod na linggo
Inihahanda na ng Department of Health ang guidelines sa paggamit ng self-administered antigen test kits.
Ito ay habang ini-evaluate pa ng Food and Drug Administration (FDA) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang final stages ng registration ng mga produkto na umaabot sa 11 aplikasyon.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergerie na batay aniya sa pahayag ng RITM, mayroon nang 2 kits na na-validate na nila at ipapasa na sa FDA para sa final certification.
Sa sandaling matanggap na ng FDA ang lahat ng dokumento para sa aplikasyon, isasailalim pa ito sa initial evaluation at ipapasa sa RITM para naman sa performance validation.
Aabutin aniya ng kabuuang 7 araw ang pag-evaluate ng RITM at FDA.
Samantala, nilinaw ni Vergeire na ang ibinebentang mga self-administered antigen test sa merkado ay nangangailangan ng gabay ng mga healthcare worker at hindi maaaring gamitin sa bahay dahil maaaring magkamali lang ang gagamit at magbunsod lamang ng maling resulta nito.
Ang reliability aniya ng antigen test kits ay nakadepende sa wastong paggamit nito.
Binigyang-diin din ni Vergeire na ginagamit lamang ang antigen test kung ang tao ay may sintomas at kung nakaranas ng sintomas sa loob ng 5 araw.