Guidelines sa pamamahagi ng 200 pisong dagdag na ayuda sa mga mahihirap na mamamayan binabalangkas na ng DBM
Target ng Malakanyang na maibigay ngayong buwan ang dagdag na 200 pisong financial assistance kada buwan sa mga mahihirap na mamamayan.
Sinabi ni Acting Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar na binabalangkas na ng Department of Budget and Management o DBM ang guidelines sa pamamahagi ng additional cash assistance sa tinaguriang poorest of the poor sa ilalim ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Ayon kay Andanar ang dating 500 pisong ayuda kada buwan para sa mga mahihirap na mamamayan ay magiging 700 pesos na tatagal ng isang taon.
Inihayag ni Andanar na pakikinabangan ng 12 milyong households o 70 milyong indibiduwal na mahihirap ang ibibigay na cash assistance mula sa gobyerno.
Kabuuang 33.1 bilyong piso ang inilaan ng Malakanyang para ayudahan ang mga mahihirap na mamamayan na naglalayong matulungan ang mga ito na maka-survive ngayong tumataas ang presyo ng mga bilihin dulot ng tuloy-tuloy na pag-alagwa ng halaga ng mga produktong petrolyo sa bansa dahil sa giyerang nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Vic Somintac