Guilty verdict ng Korte laban sa mga pulis na pumatay kay Kian Delos Santos, dapat magsillbing babala sa mga sangkot sa EJK
Dapat magsilbing babala sa mga tiwaling miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang naging hatol ng Korte sa kaso ng 17 anyos na si Kian Delos Santos.
Ayon kay Senador Francis Pangilinan, kahanga-hanga ang ginawa ni Judge Rodolfo Azufena Jr. ng Caloocan RTC dahil nagpakita ito ng tapang at paninindigan nang maglabas ng guilty verdict laban sa mga pulis.
Sinabi ni Pangilinan na isa itong pagpapatunay na totoo ang karahasan at pang aabuso ng ilang miyembro ng PNP.
Hindi rin aniya maaaring gawing pang depensa ang “nanlaban” sa mga kaso ng pagpatay lalo na sa mga hinihinalang sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Para kay Senador Risa Hontiveros, isa itong mahalagang tagumpay para sa katarungan at mga biktima ng mga nangyaring pagpatay.
Pagpapatunay rin aniya ito na matibay ang mga ebidensya sa mga nangyaring extra judicial killings.
Senador Risa Hontiveros:
“Isa itong mahalagang tagumpay para sa katarungan at sa lahat ng lumalaban para tapusin na ang kultura ng patayan sa ating bayan. This is a light in the darkness. Despite the gruesome climate of killing and impunity in the country, this verdict sends the message that there is hope and justice”.
Ulat ni Meanne Corvera