Habagat, ITCZ, nakakaapekto sa bansa ngayong Lunes
Bagamat lumabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Typhoon Kiko, makaararanas pa rin ng maulap na papawirin ang ilang bahagi ng bansa ngayong araw na may mga pag-ulan sanhi ng Southwest Monsoon o Habagat at Inter-Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Ayon sa PAGASA, kabilang sa mga apektado ay ang Ilocos Region, Mimaropa, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, Abra, at Benguet.
Binabalaan ang mga residente sa posibleng flash floods at landslides at matinding thunderstorms.
Magiging moderate to rough naman ang alon sa karagatan kaya pinag-iingat ang mga maglalayag dahil posibleng umabot sa 4 meters ang taas ng alon sa mga baybayin sa Luzon.
Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magiging maulap ang papawirin na may isolated rainshowers sanhi ng Habagat at localized thunderstorms.
Samantala, kaninang alas-3:00 ng madaling-araw ay huling namataan ang bagyong Kiko na may international name na Chanthu sa layong 790 km Hilaga ng Itbayat, Batanes taglay ang lakas ng hanging aabot sa 155 km/h at pagbugso ng hanggang 190 km/h.