Habagat patuloy na magpapa-ulan sa ilang lalawigan sa Norte
Patuloy na palalakasin ng Bagyong Guchol (dating Chedeng) at ng posibleng frontal system sa hilaga sa dulo ng Northern Luzon ang southwest monsoon o habagat.
Asahan ang mga pag-ulan dulot ng habagat sa susunod na tatlong araw Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Zambales at Bataan.
Sa Heavy Rainfall Warning no. 20 na inilabas ng state weather bureau PAGASA kaninang 5:00 a.m. itinaas ang Yellow Warning sa Zambales partikular sa San Felipe, San Antonio, San Marcelino, San Narciso, Castillejos, Subic at Olongapo, gayundin sa bahagi ng Tarlac sa mga bayan ng San Jose, Mayantoc, Camiling, San Clemente at Santa Ignacia.
Inalerto ng PAGASA ang mga residente sa nasabing lugar sa mga pagbaha.
Orange Warning naman ang nakataas sa bahagi ng Cabangan, Botolan, Iba, Palauig, Masinloc, Santa Cruz at Candelaria Zambales.
Samantala, asahan ang mahina hanggang katamtamang ulan sa Nueva Ecija at Bulacan.
Mahina hanggang katamtaman na minsan ay malakas na ulan ang makaka-apekto sa Bataan, Pampanga at nalalabing bahagi ng Tarlac.
Patuloy na pina-aalalahanan ng PAGASA ang mga residente at mga disaster risk reduction and management office (DRRMO) na patuloy na magmonitor sa weather bulletin na ilalabas ng ahensya.
Weng dela Fuente