Habagat, patuloy na magpapaulan sa Luzon at bahagi ng Visayas ngayong Huwebes; Batanes, Babuyan islands nasa ilalim ng Signal no. 1
Asahan ang patuloy na pag-ulan ngayong Huwebes sa malaking bahagi ng Luzon at Western Visayas dahil sa Habagat o Southwest Monsoon na pinalakas ng Typhoon Fabian.
Kaninang alas-4:00 am, sinabi ng PAGASA na huling namataan ang bagyo sa layong 530 kilometers Hilagang Silangan ng Itbayat, Batanes taglay ang lakas ng hanging aabot sa 150 kph at pagbugso ng hanggang 185 kph.
Pa-Kanluran, Timog-Kanluran ang pagkilos nito sa bilis na 10 kph.
Nakataas ang Signal No. 1 sa Batanes at Babuyan islands at makararanas ang mga lugar na ito ng pagbugso ng hangin ng hanggang 60 kph na may kasamang minsang malakas na pag-ulan.
Samantala, nakataas ang orange warning sa Oriental Mindoro at Romblon kung saan malalakas na pag-ulan ang nararanasan sa lugar at may banta ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Yellow warning naman ang nakataas sa Cavite, Laguna, Batangas, Quezon kasama ang Marinduque dahil sa moderate to heavy rains ang nararanasan.
Sa susunod na 24 oras ay asahan pa rin ang monsoon rains sa Metro Manila, Ilocos region, Benguet, Abra, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cabite, Batangas, Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque Romblon, Northern Palawan kasama ang Kalamian at Kalayaan islands.
Nakataas din ang Gale warning sa maraming baybayin sa bansa kaya pinag-iingat ang mga maglalayag.
Inaasahang papalo ng hanggang 27 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila, 33 degrees naman sa Tuguegarao, Cagayan at 20 degrees sa Baguio city.
Sabado pa ng umaga, inaasahang lalabas ng bansa ang bagyong Fabian.