Hakbang na patawan ng buwis ang social media influencers, tinutulan ng isang Senador
Tutol si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa hakbang ng Bureau of Internal Revenue na patawan ng buwis ang mga social media influencer tulad ng mga blogger.
Nauna nang naglabas memorandum circular ang BIR para igiit ang tax obligations ng mga ito.
Ayon sa BIR, marami sa mga social media influencer ang hindi nagbabayad ng income tax, hindi nagdedeklara ng tamang kinita kaya hindi nagpaparehistro sa ahensya ng kanilang mga online business.
Sinabi ni Zubiri, naiintindihan niya ang layon ng BIR na makakolekta ng dagdag na kita para may panustos ang gobyerno.
Pero hindi tamang buwisan ngayon ang mga naghahanapbuhay sa pamamagitan ng social media.
Marami aniya ang mga nawalan ng trabaho na nakapagnegosyo sa pamamagitan social media para maka survive ngayong may pandemya at hindi tamang kaltasan agad sila ng buwis ng gobyerno.
Meanne Corvera