Hakbang ng Saudi Arabia na buwagin na ang Kafala system para sa migrant workers, malugod na tinanggap ng DFA
Malugod na tinanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang inisyatiba ng Saudi Arabia na buwagin na ang Kafala system.
Kinilala rin ng DFA ang pinakabagong developments sa Qatar, bilang unang bansa sa Arab Gulf region na nagpahintulot sa lahat ng migrant workers na magpalit ng trabaho bago matapos ang kanilang kontrata nang hindi na kailangang hingin ang “consent” ng kanilang employer.
Ayon sa DFA, sa ilalim ng “New Labor Initiative” ng Saudi, ang foreign workers ay pinapayagan nang magpalit ng trabaho bago matapos ang kanilang kontrata sa pamamagitan ng paglilipat ng kanilang sponsorship mula sa isang employer patungo sa ibang employer.
Ito ang magbibigay daan sa kanila para umalis at muling makabalik sa bansa at makakuha ng secure exit visas kahit walang pagsang-ayon ng kanilang employer.
Ang Kafala system ay naging daan ng pag-abuso ng ilang employers, na kinukuha ang pasaporte ng kanilang manggagawa para hindi makaalis ang mga ito.
Ayon sa DFA, matagal nang itinataguyod ng Pilipinas sa United Nations at iba pang international fora, ang paglaban sa naturang sistema.
Sa katotohanan, opisyal na nakipag-partner ang Pilipinas sa Bahrain, isa mga bansa na unang bumuwag sa sistema, sa pamamagitan ng Head of the Labor Market Regulatory Authority Ausamah Al-Absi, sa kanilang labor reform movement sa pamamagitan ng Flexi Visa System.
Sa Flexi Visa System, pinapayagan na ang undocumented o irregular workers na makakuha ng regular immigration status kahit walang employer sponsor.
Dagdag pa ng DFA, ang Pilipinas din ang nanguna sa negosasyon at sa international adoption ng Global Compact for Safe, Orderly and Regular Migration upang protektahan ang lahat ng Filipino migrant workers laban sa lahat ng uri ng pagsasamantala at pag-abuso, at magarantiyahan ang disenteng trabaho.
Batay na rin ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Liza Flores