Halaga ng pinsala ng pagsabog ng Bulkang Taal sa mga National Roads,umabot sa 137 million pesos – DPWH
Umabot na sa mahigit 137 million pesos ang halaga ng pinsala sa mga National Roads dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal.
Ayon sa DPWH-Bureau of Maintenance, ang bitak sa mga pangunahing daan na pumapalibot sa Taal Lake ay bunsod ng tuluy-tuloy na pagyanig ng lupa dahil sa pagputok ng Bulkan.
Kabilang sa mga apektadong kalsada na kailangan isailalim sa maintenance works ang Palico-Balayan-Batangas road; Sinisian bridge; Lemery Taal Diversion road; Diokno Highway; Tanauan-Talisay-Tagaytay Road at Talisay-Laurel-Agoncillo road.
Tiniyak ng kagawaran na agad kukumpunihin at itutuloy ang clearing operations ang mga apektadong kalsada sa oras na sabihin ng Phivolcs na ligtas na magtungo sa mga nasabing lugar.
Samantala, nanatiling sarado ang tatlong major roads na apektado pa rin ng lockdown.
Ang mga ito ay ang bahagi ng Palico-Balayan-Batangas road, sa mahabang Ludlod junction, Lemery town proper, Batangas; Tanauan – Talisay – Tagaytay road, sa Talisay Batangas; at Talisay – Laurel – Agoncillo road, Laurel section.
Ulat ni Moira Encina