Halalan sa Thailand, gaganapin sa Mayo
Sinabi ni Prime Minister (PM) Prayut Chan-O-Cha, na gaganapin sa Mayo ang isang general election sa Thailand kung saan nagsisimula na ang unofficial campaigning.
Ayon sa prime minister, na naluklok sa kapangyarihan bilang army chief sa isang 2014 coup bago naging PM pagkatapos ng kontrobersyal na eleksyon noong 2019, bubuwagin na niya sa Marso ang parliyamento.
Sa ilalim ng Thai constitutional rules, mangangahulugan ito na magkakaroon ng eleksyon sa Mayo, kung saan nakikita ng maraming observers na malamang na Mayo 7 ang maging petsa nito.
Sinabi ng prime minister makaraan ang isang regular na cabinet meeting, “I will dissolve (parliament). I said March so it will be March, so this would fit with May.”
Dahil sa mahirap na ekonomiya at ang mahalagang sektor ng turismo ay tinamaan ng pandemya, humina ang popularidad ng 68-anyos na opisyal, ngunit noong isang buwan ay inanunsyo niya sa isang rally na muli siyang tatakbo.
Si Prayut ay tatakbo sa ilalim ng bagong tatag na Ruam Thai Sang Chart party, habang noong isang buwan ay pinangalanan ng kasalukuyang ruling party na Palan Pracharath Party (PPRP), si Deputy Prime Minister Prawit Wongsuwan bilang kandidato nito para maging PM sa susunod na halalan.
Makikita na ang campaign billboards sa buong bansa at ang pangunahing opposition party na Pheu Thai ay nangangampanya na sa kanilang traditional strongholds sa hilagang-silangan.
Bagama’t malakas ang Pheu Thai, ngunit ang kasalukuyang Thai constitution, na binuo sa ilalim ng junta rule, ay nagbibigay ng malakas na bentaha sa mga partidong may kaugnayan sa militar.
Ang naturang halalan ang magiging una simula nang bulabugin ng mga protestang pinangungunahan ng mga kabataan ang bansa noong 2020, na nananawagan para sa repormang pampulitika at hinihingi ang pagkakaroon ng pagbabago sa monarkiya, na mahigpit na pinoprotektahan laban sa kritisismo sa ilalim ng batas ng Thailand.
Inaasahang ino-nominate ng Pheu Thai si Paetongtarn Shinawatra — anak na babae ng dating premier na si Thaksin Shinawatra — bilang isa sa kanilang mga kandidato para maging prime minister.
Ang billionaire tycoon na si Thaksin ay napatalsik bilang prime minister noong 2006 sa isang kudeta, at tumakas upang maiwasan ang corruption charges na aniya ay politically motivated.
© Agence France-Presse