Halos 10,000 menor de edad na may comorbidities sa NCR, nabakunahan na kontra Covid-19
Umabot na sa 9,928 kabataang nasa edad 12 hanggang 17 anyos na may comorbidities sa National Capital Region ang nabakunahan na kontra Covid-19.
Ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, sa bilang na ito ay 10 lamang ang naitala na nakitaan ng minor adverse reactions at walang naitalang serious adverse effects.
Ang 3 rito ay nagkaroon aniya ng allergic reaction na agad rin namang nabigyan ng atensiyong medikal, 3 ang nakaranas ng anxiety at 4 naman ang minor lamang gaya ng pananakit sa bahagi ng injection site.
Pero sa kabila nito, 1 buwan par in aniya nilang isasailalim sa monitoring ang mga ito para makasiguro.
Dahil sa naging matagumpay ang pediatric vaccination sa NCR, sinabi ni Vergeire na pinag-uusapan na ang susunod na phase ng pagbabakuna sa mga kabataan.
Target aniya nila na sa Biyernes ay masimulan na rin ang pagbabakuna sa mga menor de edad sa iba pang rehiyon sa bansa.
Una rito, sinabi ng DOH na sa phase 3 ng pediatric vaccination, gagawin ito sa mga rehiyon na mahigit 50% na ng senior citizens ang nabakunahan kontra Covid-19.
Madz Moratillo