Halos 12,000 dayuhang turista dumating sa Phl mula nang buksan ang borders para sa turismo-DOT
Mahigit 21,000 inbound tourist arrivals sa iba’t ibang paliparan sa bansa ang iniulat ng Department of Tourism.
Ito ay mula nang buksan ang borders ng Pilipinas para sa mga dayuhang turista mula nitong Pebrero 10.
Sa datos ng One Health Pass, may 10,074 Balikbayan at 11,900 foreign tourists ang dumating sa bansa sa pagitan ng Pebrero 10 at 19.
Kumpiyansa naman si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na ito na ang simula ng pagbangon ng turismo ng bansa na makatutulong din nang malaki sa ekonomiya.
Ayon sa DOT, sa mga dayuhang turista na dumating sa bansa sa nakalipas na araw, pinakamarami ang mula sa Estados Unidos, sinundan ng Canada, United Kingdom, Australia, South Korea, Vietnam, Japan at Germany.
Samantala, sinabi ni Puyat na kikilalanin na rin sa bansa ang COVID-19 vaccine certificates ng Egypt, Maldives, Palau, Albania, Estonia, Greece, Malta, at Uruguay.
Ang mga nasabing bansa ay kabilang sa una ng inaprubahan ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19.
Kasabay ng pagpapalakas sa turismo, tinututukan din ng DOT na matiyak na lahat ng manggagawa sa sektor na ito ay bakunado na rin kontra COVID-19.
Sa datos ng DOT, 93% ng tourism workers na target mabakunahan sa bansa ay fully vaccinated na, habang 19.26% sa kanila ang mayroon nang booster shot.
Madz Moratillo